March 8, 2017, dumating na ang araw na pinakahihintay namin. Susunduin na namin si Scout (aka Kevin) mula sa kanyang kennel sa Caloocan.
Pagdating namin dun, aba, meron pa palang photo and video coverage. ‘Di kami nakapag-prepare.
So, ladies and gentlemen, meet Scout (aka Kevin)...
Ayan, kasama na namin si Kevin, yeheeey! At pagsakay na pagsakay namin sa sasakyan, tinawag na namin siyang “Scout.”
Bakit Scout? Kasi ang pangalan nung una naming golden retriever (GR) ay Duke. So para matuloy yung royal title succession, Scout yung naisip ni Ate na ipangalan kay Kevin. Besides, yung adoption price rin ni Kevin ay pang-royal family! Kaya tama lang.
Buti na nga lang si Ate ang nasunod, kasi kung ako eh ang pangalan sana ni Kevin ay Wolferine!
At eto pa, nung makuha namin yung papers ni Scout, na-discover namin na ka-bloodline niya pala si Duke as his great-great uncle. Amazing!
Isang buwan pa lang mula nang mawala si Duke dahil sa sakit nung kinuha namin si Scout. Kaya ayaw pa sana namin kumuha ulit ng aso nung una dahil ‘di pa kami nakaka-recover sa pagkawala ni Duke.
Pero siguro, it was meant to be na dumating sa buhay namin si Scout. Kinailangan namin yung saya na dala niya.

Si Ate, gusto niya raw makabawi sa mga hindi namin nagawa para kay Duke. (Alamin mamaya sa mga nagawa namin with Scout)
Si Mama, para may makasama siya sa bahay. After 6 months kasi pagkakuha kay Scout, September 2017, nakabalik na ako ng trabaho.
At sa akin, si Scout ang sumuporta sa akin para makabangon muli. Bukod kasi sa pagkawala ni Duke, dumaraan rin ako sa financial crisis nang mga panahong yun. Nag-fail yung business project ko at ikatlong taon ko nang walang income.
Dahil sa saya na dala ni Scout, unti-unting nanumbalik yung creativity ko at nainspire ulit akong magsulat.
Kaya naman bidang-bida si Scout sa front pages ng Ganito Kami Noon:

Ganyan si Scout. Kung paano siya bumungad sa aking libro, ganun rin siya bubungad sa’yo – punung-puno ng saya!
Dog Training School
Nangunguna sa listahan ng mga hindi namin nagawa kay Duke na nagawa namin kay Scout ay yung pagpasok niya ng Dog Training School – Pet Centrics.
Sa isang covered court sa may Filinvest subdivision sa Quezon City yung training venue. Shala… Filinvest... Yayamanin!
Tumagal ng 6 weeks yung training ni Scout, April-May 2017. Every Sunday yung schedule, morning session, 1.5 hours each. Around 9 AM ang start, depende sa dating ng mga istyudents. Isang beses lang ata kami na-late, pumartida na si Scout kasi advanced student na raw siya...
Legit yung training. Facilitated by a professional vet and certified dog trainer – ang napakahusay at napakabait na si Doc Marose Magpily.
Sa dog training school, hindi lang yung dog ang tinitrain, kundi pati yung dog owner. In fact, mas kailangang ma-train yung dog owner. Challenge accepted!
At 5-6 months old, naging magandang pundasyon nung training experience para kay Scout. Bukod sa mga dog skills, mas importante niyang natutunan yung behavioral skills dahil madadala niya yun hanggang paglaki niya. At higit sa lahat, dun rin nagsimulang mabuo yung relationship bond namin ni Scout.
Formal yung training course. School talaga! Ilan sa mga natutunan naming skills ni Scout together ay:
- Attention – bago ka makapagbigay ng command, kailangan mo munang kunin ang atensyon ng aso. Bago mo siya tawagin sa pangalan niya, atensyon muna. Bago ang lahat, atensyon muna.

Eow poh...
- Hand Target – kailangan ma-touch ng ilong ng aso yung kamay mo. Una, in place. Then later, while moving. Gagamitin mo rin ‘to para sa iba pang skills.
- Sit – hulaan mo kung para saan ‘to… tama, para mapa-sit yung aso.

- Down – eto?... tama, para mapa-down yung aso. Sa una, galing sa sit. Then later, derecho down na.
- Walking / Heel – walking the dog on leash. Gagamitin mo yung hand target and sit skills dito. Hand target, para i-direct yung aso. Sit, para huminto siya (heel).
- Impulse Control – hindi kakainin yung treat hangga’t walang command. Applicable rin ‘to sa owner kung nagpapapayat.
- Place – para mapapunta yung aso sa specific “place.”
Sampolan nga natin, Scout:
Isa pa, with Doc Marose…
Yan naman yung pag-wiwi out of place...
Favorite student ni Doc si Scout kasi mabilis siyang matuto at madaling turuan, which is natural to golden retriever breed. Kaya pag sasampolan yung mga dog exercises, si Scout yung madalas niyang hinihiram. First honor!

Every week, may homework pang pabaon si Doc kaya tuloy pa rin ang training sa bahay. Kasi syempre, kung anong natutunan sa school e dapat ma-apply sa real-life situations. Na-enjoy naman ni Scout kasi parang naglalaro lang kami. At mas lalo niyang na-enjoy kasi bawat exercise e may nakukuha siyang treats.
Yun ang paboritong exercise ni Scout – kumain! Mas gusto niyang kumain kesa maglaro. Palibhasa feeling niya kasi playtime lagi kaya hindi niya hinahanap yun. He’s just a happy dog.

Class Ma-Pawsome 2017 (L-R): Luna, Scout, Argos, Armour
Happy Dog
Bukod sa pagpasok sa training school niya, lumalabas rin kaming family kasama si Scout. Madalas sa mall ang punta namin kasi sinasabay na rin para mapa-groom siya.
Nung mga una, sa Fisher Mall kasi malapit dun yung vet clinic (Blessed Vet) kung saan siya nagpabakuna at nagpapa-check-up. Yun rin ang clinic ni Duke kaya tuwang-tuwa sila sa pagdating ni Scout. “Little Duke” ang tawag nila sa kanya.
Matapos yung vaccine rounds niya, nag-change venue na rin kami. Sa UP Town Center kami usually pumupunta kasi pet-friendly yung lugar. May open grounds at malawak yung outside area, which is ideal for dogs. Nakarami rin ng wiwi at poopoo si Scout dun.

Sinulit namin yung pagsama kay Scout pag lumalabas kami habang maliit pa siya at kaya pang kargahin. Alam kasi namin na pagtungtong niya ng 7 months onward, extra challenge na ang pagsama sa kanya sa laki niya.
At ganun na nga ang nangyari. LUMAKI na si Scout kaya nabawasan na yung paglabas namin kasama siya. Pero ‘di naman naging isyu yun kasi nasa bahay lang rin naman ako nung mga times na yun.
Kaya hindi lang ako naging kuya kay Scout, naging yayo niya rin ako. Si ate kasi pumapasok sa office at si Mama naman abala sa mga gawaing-bahay.
Tuloy pa rin yung home training ni Scout sa umaga para lang hindi niya malimutan yung mga lessons. Sa hapon naman ang playtime niya. Wino-walk ko siya paminsan dun sa parking lot nung Simbahan na malapit sa amin. Tapos, tumatambay kami sa labas ng gate para makapagpahinga habang pinapanood namin yung mga taong dumaraan.
Yan yung part na kinuwento ko sa Ganito Kami Noon. Si Scout ang nakasama ko sa pagsusulat nung libro.

Ganun ang naging daily routine namin hanggang sa nakabalik ako ng trabaho nung September 2017.
December 18, cinelebrate namin ang 1st “barkday” ni Scout. Sa bahay lang kami. May sarili siyang cake tapos kami nina Mama at Ate, nagsalu-salo sa inorder na pagkain.
Sa bahay rin kami nag-celebrate ng 1st Christmas at new year niya. Nakitalon at sigaw (tahol) siya sa amin sa pagsalubong ng bagong taon.
Most Unforgettable Experience
April 2018 yung most unforgettable experience namin kasama si Scout – yung aming Baler trip.
Da best yun! Byahe pa lang, adventure na. Around 6 hours yung byahe tapos kung saan-saan kami nakarating. At yung mga kalsada, parang caterpillar ride sa amusement park. Akyat-baba tapos ang daming paliko-liko.
Nakakabilib si Scout, hindi siya nahilo kahit nakailang balibag kami. Nag-wiwi at poopoo lang siya nung nag-stopover kami halfway, okay na ulit siya.
Dun kami sa Costa Pacifica resort. Pagdating namin dun, bininyagan agad ni Scout yung front garden. Pati yung gilid ng lobby inihian. Buti at mabait yung mga staff. Sanay na siguro sila pag may mga kasamang pets yung mga visitors. Pet-friendly kasi yung resort kaya all good!
Habang piniprepare yung room namin, tumambay muna kami dun sa bandang entrance. Kaya ayun, tuwang-tuwa yung mga tao pagkakita nila kay Scout. “Ang cuuuute!” ang usual na reaksyon. Nakakalito lang kung si Scout ba yung tinutukoy nila o ako…

O sige, ako na! Ako na lang lagi…
Haha, si Scout yun. Charming talaga siya dahil sa kanyang smiling face kaya mapapangiti ka rin. Picture-ready face. Meron dun nagse-selfie kasama siya. Tapos yung iba nakikipagkwentuhan rin, mga mahilig rin sa aso.
Ang galing lang nung binigay sa aming room. Beachfront at easy-access kasi sa may baba lang. Tapos sa tapat namin, sa labas ng room may wash area. Banlawan ni Scout. Sakto!
Excited ako para kay Scout kasi mararanasan niya nang mag-beach. At makaka-swim rin siya! Ayun, tuwang-tuwa nung dinala na namin sa beach. Walang tigil kakatakbo habang hila-hila ako. Titigil siya saglit para maghalukay ng beach sand, o kaya makikipaglaro sa hampas ng alon, tapos takbo ulit.

Enjoy na enjoy si Scout having the time of his life. Pati ikaw madadala sa sobrang saya niya.
Kaya nung may lumapit sa amin na lokal dun, si Kuya EJ, para imbitahan akong mag-surf, e game na game rin ako. Nahawa ako sa saya ni Scout.
Having the time of my life rin ako learning to surf habang rest time muna ni Scout kasama sina Mama at Ate.

"Hanapin niyo 'kooo..." - Scout
Pagkatapos ng surfing session, game na ulit si Scout. Full of energy dahil nakapagpahinga na. Moment niya na ulit. Time to swim!
Nakakatuwa kasi wala siyang pag-aalinlangan sa pagsuong sa tubig. Sinabayan lang namin yung alon habang paunti-unti kaming sumusuong sa tubig. Next thing we know, naglalangoy na si Scout!
Aliw na aliw kami habang pinapanood siyang pinapadyak sa tubig yung mga paa niya at inaangat yung ulo dahil sa hampas ng alon. Yun yung best moment namin together with Scout. Sobrang saya lang!
Kaya naman nung byahe namin pag-uwi, eto, nalobat na siya, haha.
Hotel Staycation
Dahil nakagawian namin noon na magbakasyon sa ibang lugar tuwing kapaskuhan, nung Christmas 2018, nag-staycation kami sa Somerset Olympia Makati.
Dun naisip ni Ate kasi malapit lang sa Ayala Triangle. Bukod dun sa lights show, ideal place rin yung park para kay Scout.

Memorable rin yung time na yun dahil natupad na yung Christmas wish ko para kay Scout – ang maging ganap siyang The Lion King…
And can you feel the love tonight?... Feel na feel namin ang diwa ng Pasko!
Nung sumunod na summer, April 2019, dun naman kami nag-staycation sa Circulo Verde sa may Eastwood para sa birthday celebration ni Ate.

Maganda dun sa place kasi wala pa masyadong tao. Ongoing pa yung development nung area kaya libreng-libre si Scout kung saan niya ma-tripan umihi. Wiwi dito, wiwi doon, like he always does. Minamarkahan niya lahat ng lugar na parang nagsasabing, “I was here,” sabay wiwi.

Nagkaron rin siya ng special moment dun sa may Hachi Park. Dun niya naranasan ang ma-in love at first bark.

Wala namang nangyari sa kanila.
Eto na rin yung naging huling paglabas namin kasama si Scout. Naka-staycation pa siya ng solo dun sa isang pet hotel malapit sa amin nung nag-family trip kami sa Hong Kong for a week. Nung binalikan namin siya, teary-eyed pa yung mga caretakers. Napamahal na rin sila kay Scout kahit sa maikling panahong pamamalagi niya dun.
Sinalubong ako ni Scout ng yakap pagdating namin. Nakaluhod ako sa isang tuhod habang nakapatong yung 2 front legs niya at todo-pagpag ang kanyang buntot. Saya!
Huling Yakap
June 2020 nang unang beses magkasakit ng malubha si Scout. Anaplasmosis (similar to Ehrlichia), katumbas ng dengue sa tao. Bumagsak yung platelet count niya, nilagnat, walang ganang kumain, at halos hindi makakilos. Nakakabahala kasi malayong-malayo sa Scout na nakasanayan namin.
Mabuti at nadala namin siya agad sa vet at naagapan ng mga gamot at supplements. Tinurukan siya ng high-dose ng antibiotic sa magkabilang legs kaya nahirapan siyang makalakad ng ilang araw dahil sa pamamaga nung injection sites.
Doble-alaga kami kay Scout. Tinimplahan pa namin siya ng tawa-tawa tea para tumaas yung platelet count niya. Gabi-gabi siyang nag-hot compress at masahe ng legs hanggang sa makalakad ulit siya ng maayos. After 1 week, naka-recover si Scout at nanumbalik na yung dati niyang sigla.
Pagkatapos ng isang buwang gamutan, healthy at happy na ulit si Scoutie.

…Yun ang akala namin.
Makalipas ang ilang buwan, katapusan ng February 2021, nang paliguan ni Ate si Scout, may nakapa siyang bukol sa left hind leg ni Scout, sa bandang puwetan. Medyo malaki na at matigas.
Dun lang rin namin napuna ni Mama. Hindi mo kasi mapapansin agad dahil nababalutan ng makapal na buhok ni Scout. Tapos nasa likurang bahagi pa. Paglabas namin ng bahay ni Scout, nakita ko rin na namamaga yung balls niya.
Kinabukasan, dinala namin si Scout sa vet. Kinumpirma ni dok yung nakita namin, “Malaki po ito…,” at may nakapa pa siyang bukol malapit sa pututoy ni Scout. Hindi magandang balita, nakakapanlumo. Agad siyang nagbigay ng endorsement para mapa-X-ray si Scout.
Pagdating ng weekend, dun kami pumunta sa vet clinic sa may UP Village para mapa-X-ray si Scout at kumonsulta na rin. Parehas sila ng initial findings nung naunang vet. Paglabas ng resulta ng X-ray, nakita dun kung gaano kalaki yung bukol. Ang pakonsuelo na lang e hindi siya nakaapekto sa pag-wiwi at poopoo ni Scout.
Tatlo yung possibleng diagnosis: fibrosarcoma, osteosarcoma, at hemangiosarcoma. Pamilyar ako sa mga tunog oma, katunog nung naging sakit ni Papa. Anumang prefix, basta may oma-oma sa dulo, isa lang ang ibig sabihin nila: cancer.
Kahit ganun, maganda ang prognosis ng doktor. Sabi niya, nagre-respond raw ng maayos sa gamutan ang mga aso. Kaya ganun muna ang naging treatment plan ni Scout. Ipinagpaliban muna ang surgery at chemotherapy. Oobserbahan muna si Scout habang mag-gagamot siya sa mga susunod na araw.
Medyo nakahinga kami ng maluwag pagkatapos nun. Positibo kami na makakayanan ni Scout ang treatment dahil strong dog siya. May mga naresearch rin si Ate ng mga naka-recover fully from the same condition at inalam namin yung mga ginawa nila, yung diet plan at mga supplements na kakailanganin.
Isa pa, hindi namin nakitaan ng panghihina si Scout. Kung wala yung bukol, hindi mo iisiping may sakit siya. Walang nagbago. Happy dog pa rin siya.
Hindi ko na idedetalye yung mga nangyari sa loob ng sumunod na buwan para yung alaala natin kay Scout e yung pagiging happy dog niya. Ganun rin namin siya gustong maalala.
Yung isang buwan na yun ay magkahalong sakit at saya. Nakakapagod.
May one time pa na tinakbo namin si Scout nang disoras ng gabi dahil nahihirapan siyang huminga. Nakauwi rin kami kaagad at nakapahinga siya nang maayos sa bahay.
Pero ilang araw na lang pala namin siyang makakasama.
April 7, birthday ni Ate, malakas pang nakabangon mula sa pagkagising si Scout. Nabati niya pa ang ate niya. Nakalabas pa siya ng bahay para maka-wiwi. Pero pagkatapos nun ay hinapo siya at naghahabol ulit ng hininga.
Sinamahan ko na siya mula nun at inalalayan sa bawat kilos niya. Kinakalma ko siya para makahinga siya nang maayos. Nahugasan pa siya ni Mama, napunasan, at nalinis pa yung sugat niya.
Pagkatapos ay agad siyang pumasok sa kwarto at humiga. Kinakalma ko pa rin siya pero nahihirapan na talaga siyang huminga. Dalawang beses siyang parang nasuka nang wala namang lumalabas. Sa ikatlong beses ay tuluyan nang nawalan ng malay si Scout.
Niyakap ko agad si Scout at kinapa yung heartbeat niya habang tinatawag namin siya ni Ate, “Scout!... Scout!... Scout!” pero hindi na siya nagre-respond. Alam kong wala na si Scout.
Tinakbo pa namin si Scout sa vet baka sakaling may magawa pa sila. Dalawang vet ang agad-agad sumaklolo kay Scout at ginawa ang lahat para ma-revive siya, pero wala na.
Wala na si Scout.
Life Lessons
Kahit masakit, hindi masyadong mabigat sa pakiramdam yung pagkawala ni Scout. Nakaka-relieve yung alam mong tapos na yung paghihirap niya at hindi na siya naghirap pa nang mas matagal kung sakaling natuloy yung surgery at chemo treatment niya.
Ayaw namin at siguro ayaw rin ni Scout na umabot sa point na mas humirap pa yung sitwasyon. Gusto namin na happy memories yung madadala niya at maiiwan niya sa amin.
Pero siyempre, nakakalungkot pa rin dahil alam kong hindi ko na makikita si Scout. Pag-uwi namin pagkagaling sa vet, at pagkakita ko sa mga laruang naiwan niya, napaiyak na ako nang tuluyan.

Scout's Toy Collection: Bubbles, Empty Bottles, Balls (nabutas lahat), Chewy Bone, at mga toys na hine-head bang niya lagi. Fave niya yung egg, tapos katabi niyang matulog si Denver the Last Dinosaur, at comfort toy niya si Garfield pag ayaw siyang pansinin nina ming-ming (mga pusakal sa bahay).
At nasundan pa nang maraming iyak habang inaalala ko yung mga maliliit na bagay tungkol kay Scout. Nakaka-miss yung daily routine namin. Mula pagbangon namin nang sabay sa umaga, pagsunod niya sa akin sa CR, pag-inom namin parehas ng tubig, paglabas namin para maka-wiwi siya. Ganun rin sa hapon bago ang playtime niya.
Nakaka-miss yung pagsalubong niya sa 'kin tuwing darating ako sa bahay. Kung makatalon at makapagpag ng buntot akala mo e ilang taon kaming hindi nagkita.
Lalo pa kaming naging close nung nagka-pandemic kasi nasa bahay lang ako, work from home. Nakasanayan ko na pagpatak ng mga bandang 3:30 PM, magigising na si Scout galing siesta at tatahol na siya para magpalabas. Tapos after 30 mins, bandang 4:00 PM, lalapit na siya sa akin, uupo sa tabi ko nang naka-dog face, nag-aaya nang lumabas para maglaro.
Hanggang ngayon, paminsan-minsan, napapatingin pa rin ako sa orasan ng mga ganung oras. Naiimagine ko si Scout at napapangiting may kasamang konting luha. Tears of happiness. Yun kasi ang dinala ni Scout sa buhay namin at sa akin… yung happiness niya.
Pinarealize sa akin ni Scout na ang pinaka-da best mong maibabahagi sa lahat ay yung sarili mong happiness. Happiness na nanggagaling sa pagiging ikaw, yung totoong ikaw. Yun ang nagmamarka sa atin.
Si Scout, happy dog siya kasi nabuhay siya bilang si Scout. Inenjoy niya lang to the fullest yung panahong nakalaan sa kanya. Maikli pero sulit. At sapat na yun to have a happy life.

Thank you, Scoutie.
Siguro kalaro mo na sina Kuya Duke at Lolo Efren dyan sa other side of heaven. Nako, goodluck sa kanila sa kakulitan mo! Turuan mo si Kuya Duke mag-swimming at wag mo siyang aawayin.
Marami nang nakinabang sa mga naiwan mong foods, supplements, at iba mo pang gamit. Napag-uusapan na namin ni Ate ang pagkakaroon ng Scoutie Foundation.
Ipagpapatuloy ko yung kapogian mo, este yung pinangarap ko pa lang sarili nating bahay na may green, green grass of hope para sana mas malawak yung playground natin.
Wag mo kaming alalahanin nina Lola at Ate, okay na ulit kami. Lagi ka pa rin naming naaalala. Pinapanood namin yung mga videos mo kapag namimis ka namin para mapakinggan ulit yung tahol mo. Tinatawag ka pa rin namin with feelings, “Scoutieeee.”
Matatagalan pa bago tayo makapag-play ulit kasi tulad ng naituro mo sa akin, eenjoyin ko pa nang husto ang buhay.
Iniisip ko pa noon kung paano ka kaya kung mag-tour ako sa Pilipinas at mag-travel ako around the world. Ngayon, pwede na kasi ikaw na ang nagpaubaya. Thank you.
At ngayon, mas madadala na kita kahit saan kasi lagi na kitang makakasama...
Dito oh, sa puso ko...
Give me paws!
Love,
Kuya
Ang cute naman ni Scout, the lion king. Hahah. Tawang tawa ko. Lalo na sa love at first bark😁🥰
Haha oo, marami siyang happy memories. Salamat sa pagbasa, Esang. 🙂