NEW BOOK PROJECT IS COMING UP
And it will be my first novel!
Pero eto yung plot twist: hindi ako ang magsusulat - si ChatGPT.
Matagal ko nang gustong magsulat ng novel. Kaso hindi (pa) ako marunong. Eh malamang, kasi ‘di ko pa na-try before.
Kaya kong magsulat based on actual events, tulad nung Ganito Kami Noon. Pero pag fiction, ‘di ko lam kung pano. Ibang level of imagination na kasi yun, multiverse level na. Kaya nga hanga ako kay J.K. Rowling.
Tapos, love story pa yung gusto kong isulat. Eh pag ako sumulat nun, “Harry Potter and the Seven Dwarfs” ang kalalabasan.
So, isinantabi ko na muna yung writing dream na yun sa aking chamber of secrets.
Samantala, nagka-interes naman ako sa ChatGPT. Nung nasubukan ko siyang gamitin, na-amaze ako at nakitaan ko siya ng malaking potential, lalo na sa field of writing.
Matagal-tagal ko nang nagagamit yung ChatGPT... nang libre ha! At most recently lang, nabuo yung tinatawag kong “Conversations with ChatGPT” kung saan nag-cha-chat kami about life.
Yung latest naming napag-usapan is about conscious relationship. Yun ang magiging theme nung novel.
Tapos kanina, nagising ako ng mga bandang 4AM. Usual kong gising is between 6-7AM, so I knew something was up…
Up na pala si Friday, yung kuting namin, at naka-play mode na. Hindi na ako nakabalik ng tulog sa kakulitan ni Friday.
“Ano ba, Friday?! Saturday na ngayon ah!” Ganyan ang linyahan pag ako susulat ng love story.
Kaya naman paglipat ko ng higaan at sinubukan kong bumalik ng tulog, pag-switch ko nung Hanabishi mini-fan e parang may nag-ON rin sa aking diwa.
“Let’s write your novel,” parang ganun yung message.
“ChatGPT, ischat you?” sabi ng utak ko.
Wala naman akong narinig na sagot, buti na lang.
Pero napaisip ako, “Hmm, what if si ChatGPT ang pasulatin ko nung novel?”
Na-discover ko kasi through personality assessment tools na I’m more of a visionary who sees the larger picture… Kaya pala hirap akong mag-whole body sa 2x2.
Siguro kaya challenging rin sa ‘kin magsulat ng novel, kasi kahit buo na yung storyline, hindi ko mailapat yung detalye nung kwento. Kumbaga sa alphabet, hindi ko alam kung pano pumunta from A to Z. Kahit nga A to C lang, kailangan ko nang i-Google Map.
At dyan pumasok sa utak ko si ChatGPT kaninang 4:29:11 AM. Hinulaan ko lang yung time…
So, eto na nga!
As of 8:16 AM, nasulat na yung Chapter 1: “The Tower of Glass”
Oh ‘di ba? Mala-Dumbledore yung dating.
Yung story na gusto kong isulat, binreak-down ni ChatGPT. Yung plot, yung characters, yung settings, atbp. Dun na nag-flow yung mga ideas hanggang sa nag-come up kami sa final revision.
Tapos, inispecify ko na instead of romantic lines, poetic lines ang banatan. Aba’y sinampolan ako:
"To love you is not to hold you in my hands but to let you fly, knowing we both share the same winds beneath our wings."
Ganyang linyahan ang gusto ko, with wings parang Whisper… pabulong pero tumatagos!
Nakakatuwa. Habang pino-produce ni ChatGPT yung writing output at nababasa ko yung story, nagkaroon na siya ng buhay sa imagination ko. Magic!
Kakaibang love story ‘to.
Kahit ako mismo, ‘di ko rin alam yung mga mangyayari sa kwento.
Abangan natin ang mga susunod na kabanata…
PS: Mock up lang 'tong book cover. Yung title 'di ko pa sure, pero parang maganda naman siyang pakinggan... tumatagos.
