December 5

Dear Depression

2  comments

Hello,

Pwede bang makipagkilala sa’yo? Matagal na kasi kitang gustong makilala, kaso hindi ko alam kung paano. Matagal na kitang gustong lapitan, kaso lagi kang lumalayo. Pero eto ulit ako, lumalapit. Baka sakaling sa sulat, may pag-asa ako.

Pasensya ka na sa’kin kung medyo makulit ako ha. Hindi kasi ako nawawalan ng pag-asa. Lalo na pagdating sa’yo, hindi ako marunong sumuko. Sana ikaw rin, wag kang susuko. Alam ko maraming beses na kitang nabigo, pero sana mabigyan mo pa ako ng chance.

Pwede ba tayong magsimulang muli?

Simulan natin sa mga simpleng bagay. Mga bagay na hindi mo na siguro napupuna. Mga bagay na pag tinuunan mo ng pansin ay sakaling magpaalala sa’yo ng mga nakalimutan mo na. Kung sino ka. Kung sino ako. Kung ano tayo.

Eto nga oh, may nakita pa ‘kong lumang picture natin…

dear depression

Ganito Tayo Noon...

Matagal na kaya akong nagpapapansin sa’yo. Kaso parang hindi mo ako nakikita. Parang hindi mo ako naririnig. Pero okay lang yun. ‘Kaw pa, e crush kita... O teka, wala namang ngitian. Pag na-fall ako, wala nang hihila sa’yo pataas. Ipunin mo lang muna mga ngiti mo dyan. Magpapasikat muna ako.

Ang totoo, matagal na akong nagpapasikat sa’yo. Araw-araw. Inaabangan ko ang paggising mo para batiin ka. Pero hindi ka tumitingin. Siguro nababalutan ng dilim ang paningin mo. Pero alam mo, pag tinitingnan kita, wala akong ibang nakikita kundi puro liwanag.

Magpacheck-up ka kaya ng mata? Tingin ko dark-sightedness yan. May ganyan kasi ako dati. Pero sabi sa’kin ng isang specialist, hindi daw sa mata ang problema, kundi sa puso. Barado daw. Matagal ang paggaling, pero habang tumatagal mas nagiging okay. Sabi niya pa nga sa’kin, pag natanggal na raw yung bara, pag malinis na yung puso ko, pwede raw kahit hindi na ako maligo. So ayun, sinunod ko yung payo niya.

Pero alam mo, mula nung makilala kita, araw-araw na ulit akong naliligo. Hindi ko kasi alam baka isang araw magtagpo tayo, ma-turn-off ka sa’kin.

Nga pala, sana kahit kina Lungkot at Galit wag ka na rin ma-turn-off. Mabantot man sila, tropa ko pa rin yung mga yun. Hindi nga lang kami close. Pero nagkaka-kamustahan kami minsan. Lagi ka nilang kinukwento sa’kin, ‘di ka raw namamansin… Pagpasensyahan mo na sila ha, sabi ko kasi ilakad nila ako sa’yo. Kaya sana wag mo na silang takbuhan. Parang tinatakasan mo na rin kasi ako pag tinatakbuhan mo sila. At parang tinatakasan mo na rin ang sarili mo.

Wag kang matakot sa kanila. Promise, hindi ka nila sasaktan. Mukha lang silang bad feelings, pero feelings pa rin sila na kailangan mong maramdaman. Hindi yun kahinaan.

Pag natutunan mong maramdaman sina Lungkot at Galit, mas makikilala mo sila. Malalaman mo na natatakot rin sila tulad mo. Kasi ang tingin ng mga tao may mali sa kanila. Walang mali sa kanila. Kaya wala ring mali kung mararamdaman mo sila.

Payagan mo na ulit ang sarili mo na makaramdam. At yung matagal mo nang kinukulong dyan sa kalooban mo, palayain mo na sila. Para maging malaya ka na rin.

Pakawalan mo na sila. Para mahawakan na kita.

Sasamahan kita sa paglalakbay na ‘to. Hindi ka na muling mag-iisa.

Alam ko magkalayo tayo ngayon. Pero sa bawat hakbang mo patungo sa’kin, hahakbang ako ng sanlibong beses para mapalapit sa’yo.

At hinding-hindi kita susukuan.



Nananabik na akong makita kang nakangiti.



Nagmamahal,

Happiness 🙂



Nasulat ko ang Dear Depression matapos kong mabalitaan ang pagpanaw ng isang taong minsan kong nakilala. Naging daan siya para makabangon ako sa financial crisis na pinagdaraanan ko noon. Hindi ko alam na mas madilim pala yung nararanasan niya.

Hindi niya na mababasa ang sulat na ‘to. Pero marami pa ang katulad niya na nakakaranas rin ng depression. Sana makarating ‘to sa kanila at malaman nilang hindi sila nag-iisa.

♥ Frederick

PS: Marami pang sasabihin si Happiness sa aking libro, Ganito Kami Noon. 🙂

live love laugh ebook pack
  • {"email":"Email address invalid","url":"Website address invalid","required":"Required field missing"}

    Tags

    expression


    You may also like

    >
    Mabuhay!

    Mabuhay!

    Fred here :) Sign up to receive
    more inspiring articles from me.

    Thank you! :) Please check your e-mail.