Huling araw na pala na magkakalaro sina Scout at Adrian, yung batang bespren ni Scout na kapitbahay namin. Bukas ihahatid na siya ng kanyang tatay sa Cavite kung saan niya ipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral. Grade 1 na siya sa pasukan. Pero sa edad niya na 10, dapat sana nasa Grade 3 o 4 na siya. Siguro tumigil siya ng ilang taon. Siguro kinailangan niyang tumigil dala ng sitwasyon nila sa buhay. Hiwalay ang magulang ni Adrian. Yung nanay niya ang makakasama niya dun.
Unang beses na nakita ni Adrian si Scout nung minsang ilakad ko siya sa parking space ng simbahan na malapit sa amin. Madalas nasa simbahan si Adrian. Yung tatay niya kasi dating sekyu dun at lagi siyang isinasama. Kaya kahit hindi na namamasukan yung tatay niya sa simbahan, tumutulong siya sa mga gawain dun. Para siyang helper boy dun sa opisina ng parokya.
Mula nun, tuwing makikita niya kami ni Scout sa tapat ng gate, makikipaglaro muna siya. Isang araw, dinalhan niya pa ng laruan si Scout — si rubber tricey (sinearch ko sa Google, triceratops pala ang tawag dun, kaya “tricey”).
Kaya pala sinusulit na ni Adrian yung oras niya kasama si Scout. Kahapon at ngayon, mga tatlong oras sila naglaro. Mas matagal rin kaming nakakapagkwentuhan. Sumama pa siya sa loob ng bahay pagpasok namin ni Scout para magpahinga at makakain ng meryenda.
Nakakatuwa talaga sa mga bata yung pagka-natural nilang makipag-usap sa’yo. Nasasabi nila kung ano talaga yung gusto nilang sabihin. Ganun din kapag meron silang gustong gawin, may kusa. Hindi nahihiya. Ganito rin ako dati noong bata pa ako.
At noong bata pa ako, meron din akong bespren, si Wilyam. Nakatira sila malapit lang sa tinitirahan namin noon. Lakad ka lang ng mga 25 steps mula sa gate papuntang kanto, nasa bahay ka na nila. Pero kapag umuulan noon, sasamahan mo ng breaststroke yung lakad mo kasi biglang nagkaka-swimming pool sa kanila. Infinity, pati sa loob ng bahay meron. Pababa kasi yung kalsada tapos walang kanal kaya yung buhos ng ulan at agos ng tubig naiipon sa lugar nila. Binabaha. Kaya si Wilyam noon, hindi ko nakasamang maligo sa ulan, nag-si-swimming na kasi siya sa baha!
Unang beses kaming nagkasama ni Wilyam sa Batibot. Teka, hindi yan yung programang pambata na kinalakihan ng mga batang 90’s ha. Ang Batibot na tinutukoy ko ay yung nursery school na bahay-kubo na pinasukan namin ni Wilyam noong bata pa kami. Mga ilang lakad lang yung Batibot mula kina Wilyam, siguro mga 15 steps. Nasa right side rin.
Kaso hindi na natin mapupuntahan ngayon kasi may nakatayo ng mga bahay dun. Bakanteng lupa lang kasi yun dati.
Sa Batibot ko unang natutunan yung A, E, I, O, U. Wala na yata akong ibang natutunan bukod dun. O baka hindi ko na lang maalala. Ang tanda ko lang, may mga nakasabit na mga letra at larawan sa paligid nung bahay-kubo. Pero ang hindi ko makakalimutan ay yung unang larong pambata na natutunan ko. Ang “Laglag-Panyo.”
Yun ata ang naging PE namin noon. Pang-maramihan kasi yung laglag-panyo kaya bagay yun laruin sa school. Kalaro mo mga classmates mo, pati si mam kasali. Kailangan nyo lang ng isang panyo at malawak na laruan.
Mechanics:
- Maghawak-kamay, mag-form ng bilog nang nakaharap sa loob, at umupo.
- Upo sabi!
- Pumili ng taya.
- Hawak ang panyo, tatakbo yung taya sa paligid ng bilog. Pipili siya sa isa sa mga nakaupo kung sinong gusto niyang sunod na maging taya.
- Ihuhulog ng taya ang panyo sa likod ng kalaro at tatakbong palayo paikot nung bilog.
- Hahabulin ng kalaro yung taya para tayain. Yung taya, kailangan niya namang makaupo dun sa bakanteng space ng kalaro.
- Kapag inabutan nung kalaro yung taya bago ito makaupo, yung taya pa rin ang magiging taya. Kung makaupo naman sa pwesto yung taya bago siya maabutan, yung kalaro na ang magiging bagong taya.
- Ulitin lang ang proseso hanggang mapagod.
Kung may pagkakataon na hindi naramdaman nung kalaro na sa kanya hinulog yung panyo, isumbong kay mam, KJ kamo! Sabihin mo, nag-fall ka na nga hindi pa rin naramdaman. Naka-ilang ikot ka na, hindi man lang nakahalata. Pinaligoy-ligoy ka pa. Sana sa iba ka na lang nag-fall baka nagka-chance ka pa. ‘Di bale, okay lang yun. Marami pa namang ibang pwedeng laruin dyan na pwede ka ring ma-fall, tulad ng Langit-Lupa Impyernes, im-im-impyernes.
Ganyan kaming mga bata noon sa Batibot. Maliksi, masigla. At masaya! Kahit hindi ko natandaan yung mga itinuro sa amin, natutunan kong maging masaya sa murang edad.
Pero impeyrnes ha, tanda ko nag-2nd honor ako noon. Teacher kasi namin si Ate Gay, kapitbahay namin. Si Franz yung nag-1st honor, kapitbahay kasi nila yung Batibot. Tapos si Wilyam, wala siyang kapit noon kaya wala rin siyang honor.
Ginanap yung graduation namin sa Banga, sa plaza na malapit sa Simbahan ng Calamba at sa Rizal Shrine.
Trivia: Ayon sa chismis*, noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, merong dalawang guardia civil na lumapit sa isang dalaga na may dalang kalan at banga. Ninja moves!
* Hindi si Manang Bola ang pinanggalingan ng chismis. Reliable ang source ko, Wikipedia. (https://en.wikipedia.org/wiki/Calamba_Claypot)
Tinanong nung isang sundalo yung dilag, “¿Cual es el nombre de este lugar?”
“Ano daw beh?!” sabi nung dalaga.
“¿Cual es el nombre de este lugar?” Tinatanong pala nung sundalo kung ano ang pangalan nung lugar. At dahil hindi ito naintindihan ng dalaga, inakala niya na tinatanong kung ano yung mga dala niya.
“Kalan-banga,” sinagot niya na lang kahit hindi siya sigurado.
“Kalambanga???” tanong nung sundalo na hindi naman makaintindi ng Tagalog.
Nagkatitigan sila ng ilang sandali… Awkwaaard! Nagkaron na understanding lang sila ng mutual sa “Kalambanga.” MU, Mag-Un ba. Kaya mula noon ay kinilala na ang lugar na Kalambanga, na sa kalaunan ay naging “Calamba.”
Itinayo ang Banga bilang paggunita sa chismis na ito. Makikita rin dun ang mga pangalan ng mga barangay na bumubuo sa Calamba.
Chismis noon, kasaysayan ngayon!
Hindi ko malilimutan yung graduation song namin. “Handog” ni Florante. Tumatak sa akin yung lyrics ng kanta:
“Parang kailan lang
Ang mga pangarap ko’y kay hirap abutin
Dahil sa inyo
Napunta ako sa aking nais marating…”
Tisyu nga beh!
Tulad ni Florante, nais ko rin na ikaw ay handugan. Nais rin kitang ituring na matalik kong kaibigan. Parang si Wilyam. Kapag tatanungin mo ng “Sinong bespren mo doon?” ang isasagot ay “Syempre, ikaw lang!” Linya yan sa isang TV commercial na sumikat noon.
Taong 2001 nang magkahiwalay ang landas namin ni Wilyam. Pagkatapos ng hayskul ay lumipat na kami sa Maynila at doon na ako nagpatuloy ng kolehiyo. Pero paminsan ay nakakauwi pa rin ako ng Laguna. May mga kamag-anak kami sa Los Baños, kaya kung may okasyon ay sinasamantala ko ang pagkakataon para makasama si Wilyam at ang barkada namin. Paminsan naman ay ang barkada mismo ang sinasadya ko sa aking pag-uwi.
“Uwi,” hindi lang “bisita” ang ginagamit kong salita kasi tahanan ang turing ko sa Laguna, lalo na sa Calamba. Marami akong masasayang alaala doon. May lungkot, may sakit at pighati, pero mas marami yung saya.
Taong 2010 naman nang si Wilyam ang kailangang lumipat. Mas malayo, London. Para sundan yung kanyang minamahal na si Anna. Sabi ko na nga ba at babae ang sumisira ng pagkakaibigan.
Joke! Joke! Joke! Syempre, hindi nasira yung pagkakaibigan namin ni Wilyam. Meron kasi kaming preservative, love. At kapag tunay yung love, hindi ito napapanis.
Nagkataon naman na may kumakalat na text message noon, “Panatang Magkaibigan” na hinalintulad sa Panatang Makabayan. Kaya sa araw ng paglisan ni Wilyam ay lakas-trip naming kinunan ng video kaming magkakaibigan. Habang nakataas nang naka “rock-on” ang kanang kamay ay isa-isa kaming nanumpa:
Panatang Magkaibigan
Iniibig ko ang aking mga kaibigan
na tumatanggap sa aking mga kahibangan,
na taga-punas din ng aking luha.
Tinutulungan ako maging malakas, maligaya,
kahit wala akong pakinabang.
Bilang ganti ay ibibigay ko ang aking tiwala.
Ililibre ko din sila kapag ako’y nagkapera.
Susunduin ko kapag ako’y nagkakotse na.
Sisipain ko ang sinumang umaway sa kanila,
sa pigi, sa hita, at sa mukha.
Nakaka-touch lang…
Kaya hiling ko na ma-touch rin kita. Hiling ko na makapagdulot rin ng saya. Sapat na sa akin na sa pamamagitan ng aking pagsusulat, minsan tayo’y nagkasama. At sa lahat, hiling ko na makapag-iwan rin ng paalala:
Tatanda at lilipas rin kayo!

