July 19

Programang Pambata Noon

0  comments

Kahit naka-graduate na kami ng nursery sa Batibot, hindi naman doon natapos ang itinuring kong edukasyon na humulma sa aking murang isipan — ang mga programang pambata sa TV.

Yung TV namin noon ay de-ikot pa, de-pitik, at de-antenna. De-ikot yung power at volume, pati yung magkahiwalay na knobs para sa hue at contrast. De-ikot rin yung mas malaking knob para sa channel. 13 na channels lang ang meron noon. Parang orasan ang itsura, pero 13 yung bilang. 13, tapos iilan lang yung TV stations:

Unang pihit, Tak! (2) – ABS-CBN
Tak! (3) – static, kulay gray at black na display tapos may tunog na kssssssss
Tak! (4) – PTV
Tak-a-tak! (5, 6) – mabilis yung pihit mo dito kasi 2 channels ang lalaktawan mo, iiwasan mo yung ingay ng static. Wala pang ABC5 noon, static pa. Kaya Tak-a-tak! Ganern…
Tak! (7) – GMA
Tak! (8) – static
Tak! (9) – RPN
Tak-a-tak!… Tak! (10, 11… 12) – galawang Hokage na gagamitin mo dyan. Mabilis, pero swabe. Dito madalas nagkakaproblema yung mga TV noon. Kaya bukod sa de-ikot, nagiging de-pitik na rin siya.
Tak! (13) – teka, ‘di makuha yung channel. Balik mo muna sa 12.
Tak! (12) – static... Sige, ilipat mo na sa 13 nang swabe. Kumbaga sa bilyar, bagsak lang.
Tak, tik-tik, tik (13) – IBC. Na-gets mo yung pattern? Lipat, dalawang pitik sa taas, isa sa baba.

At minsan, kailangan mo pang i-steady yung display gamit yung vertical at horizontal picture control knobs kasi malikot yung reception. Ganyan katindi ang TV noon! Bago ka makapanood ng programa, ilang pihit at pitik muna ang kailangan mong gawin. Pag-ON mo, magpapainit pa yung TV. Kala mo may lalabas na alitaptap sa gitna nung screen.

Pero ang pinakahinihintay ko ay kapag papatayin na yung TV. Ako kasi ang taga-patay ng TV namin noon. Pag-OFF mo, aba, hindi lang alitaptap ang meron. Kala mo may iba’t-ibang uri ng kulisap sa loob ng TV. Tumutunog. Parang may mini-fireworks show. Nilalapit ko pa talaga yung tenga ko sa screen para marinig ko yung mga putok-putok. At kapag dinikit mo yung kamay mo, may spark!

Tunay nga namang may spark yung TV. Nagbibigay ito ng koneksyon. Naging kasangkapan ito para magkaroon ng “virtual education” ang mga kabataan noon. Hindi naman kasi lahat ng bata noon nag-ne-nursery. Yung mga cute lang. Yung iba, deretso kinder na. Ewan ko nga ba kung bakit nag-nursery pa si Franz, matalino naman siya. Hindi niya na kailangan maging cute. Dapat nag-kinder na lang siya eh!

Yung mga cute, kailangan maging matalino. Pero yung mga matatalino, hindi na kailangan maging cute.

Kaya good news kung binabasa mo ito. Ibig sabihin cute ka. Congrats!

At hindi ka lang cute, gusto mo pang maging matalino. Naksss!

Uyyy… bibili pa yan ng 3 pang kopya.

Bibili-na-yan! Bibili-na-yan!

Teka, anong oras na ba? Buksan mo na yung TV. Lipat mo sa channel 9. Check mo sa gilid nung screen yung oras. Yung kulay puti na digital clock. Philippine Standard Time yan. 10:00am na! Nood muna tayo ng pinakapaboritong programa ng mga bata noon, ang Batibot.

Pagmulat ng mata
Langit nakatawa
Sa Batibot
Sa Batibot…

Sinong batang 90’s ba naman ang makakalimot kina Kuya Bodjie at Ate Sienna? Kina Pong Pagong at Kiko Matsing? Yung paghaba ng leeg ni Pong at yung husky voice ni Kiko na halos sumakit na yung lalamunan mo, magaya lang yung boses niya. Yung mala-breaking news na entrada nina Sitsiritsit at Alibangbang, “sitsiritsit – sitsiritsit – sitsiritsit.” Ang magkapatid na sina Ningning at Gingging. At si Manang Bola at ang kanyang perlas na bilog, “ba-be-bi-bo-bu.”

Ang Batibot, na ang ibig sabihin ay “small, but strong and robust,” ay hango sa Sesame Street, isang sikat na TV kids show sa America na may parehas na layunin — education, sa paraang kagigiliwan ng mga bata. May puppets, may kwento, may kantahan, may sayawan, at iba pa.

Marami akong natutunan sa Batibot. Sa sobrang dami, nalimutan ko na yung karamihan. Yung mga kantang “Alin, alin, alin ang naiba?” at yung “Ako ay kapitbahay, kapitbahay nyo” na lang ang naiwan sa aking alaala. Siguro dahil nagsimula na rin akong pumasok ng kinder sa school noon kaya hindi ko na masyado nasundan yung Batibot. Tuwing bakasyon ko na lang ito nasubaybayan. Hindi ko na rin namalayan na tuluyan nang nawala sa TV yung Batibot at napalitan na ng ibang programa.

Naging inspirasyon ang Batibot para sa mga nagsunuran pang programang pambata. Nandyan ang ATBP (Awit, Titik, Bilang Pambata), Sineskwela (para sa science), Math Tinik (para sa math), Pahina (para sa mga nagbibinata), Bayani (para sa history), Wansapanataym (oo, meron na nito noon pa), at Hiraya Manawari (para sa… teka, para saan nga ba ‘to?)

Google “Hiraya Manawari.” Hmmm, ito pala ay isang lumang dialekto na ang ibig sabihin ay “sana mangyari.” Yung programa ay tungkol sa pagtupad ng mga pangarap. Tanda ko yung tono ng opening song nito. Ang ganda pala ng mensahe nung kanta:

Hiraya Manawari, Hiraya Manawari
Mga pangarap natin ating abutin
Ang kapangyarihan nasa puso natin
Hiraya Manawari ating abutin

Kaya kong pakawalan ang hiwaga sa aking puso
Kaya kong hawakan init ng aking pangarap
Kaya kong isabog liwanag na aking taglay
Liwanag na nagsisilbing tanglaw ko sa patutunguhan

Pero “Paano?” marahil tanong ng marami.

Balikan natin yung lyrics nung kanta. Napansin mo ba yung mga salitang ginamit? “Ang kapangyarihan nasa puso natin.” …”aking puso,”... “aking pangarap,”… “aking taglay,”… Lahat nasa atin na. Sa iyo at sa akin.

Balikan rin natin yung nabanggit sa intro tungkol sa education. Nanggaling ito sa salitang “educe” na ang ibig sabihin ay “to bring out something potential or latent.”

Sabi sa dictionary, ang salitang potential ay nangangahulugan ng “existing in possibility” at “capable of becoming real.” Ang latent naman ay “exists but is not active or cannot be seen.”

Kung idudugsong natin ito sa kahulugan ng education: “to bring out something existing in possibility that is not active or cannot be seen.”

Yung mga pangarap natin ay existing na. Hindi nga lang active at hindi pa nakikita. Pero existing na! At taglay natin ang kapangyarihan na kaloob ng Diyos upang abutin ang ating mga pangarap.

Ano ang mag-bi-bring out ng kapangyarihang ito? Education. “Knowledge is power,” ika nga.

May video clip sa YouTube mula sa isang episode ng Hiraya Manawari tungkol sa batang humihingi ng payo sa kanyang lolo. Nagtataka yung bata kung bakit yung batong agimat na ipinagkaloob sa kanya ay hindi tumatalab sa iba. Ipinagtapat ni lolo sa kanya na ang agimat ay isang ordinaryong bato lamang, at sa kanya nanggagaling ang tunay na kapangyarihan.

Sabi ni lolo, “Hehehe.. Dahil sadyang matalino ka at malakas. Kinailangan mo lamang na mayroong mag-udyok sa iyo para mailabas mo yung talino mo at yung lakas ng loob mo.”

Uhhm, education.

“Ang agimat na ito ay ginamit ko lamang sa iyo para magising ka sa katotohanan… na ikaw ay maraming tinataglay na talino na hindi mo ginagamit.”

If talino is power, education is agimat.

Subukan nating i-bring out yung power mo. Tatawagin natin itong Wow Ha! Exercise.

Wow Ha! Exercise

Sagutin ang mga sumusunod na katanungan.

1. Ano ang pangarap mo sa buhay? _____________________________
_____________________________
_____________________________

2. Bakit gusto mo yung sagot sa #1? _____________________________
_____________________________
_____________________________

3. Bakit gusto mo yung sagot sa #2? _____________________________
_____________________________
_____________________________

4. Bakit gusto mo yung sagot sa #3? _____________________________
_____________________________
_____________________________

Tuloy-tuloy na ito hanggang sa last page ng libro…

5. Bakit gusto mo yung sagot sa #4? _____________________________
_____________________________
_____________________________

6. Bakit gusto mo yung sagot sa #5? _____________________________
_____________________________
_____________________________

7. Bakit gusto mo yung sagot sa #6? _____________________________
_____________________________
_____________________________

Hindi ko alam kung ano yung sinagot mo sa mga tanong. Maaaring may kinalaman ito sa kayamanan, sa iyong pamilya, sa iyong career, o sa iyong chuvachuchu. Magkakaiba rin yung ating dahilan. Pero magkakaiba man, iisa lang yung talagang pinanggagalingan ng lahat ng ito. Gusto lang natin maging masaya.

1. Ano ang pangarap mo sa buhay?
Pangarap ko ang ibigin ka.

2. Bakit gusto mo yung sagot sa #1?
Upang sa habang panahon ikaw ay makasama.

3. Bakit gusto mo yung sagot sa #2?
Dahil ikaw na lang ang kulang sa buhay kong ito.

4. Bakit gusto mo yung sagot sa #3?
Dahil ikaw lamang hanggang ngayon…

[Continue reading the book]

live love laugh ebook pack
{"email":"Email address invalid","url":"Website address invalid","required":"Required field missing"}

Tags

ganitokaminoon


You may also like

Sinong Bespren Mo Doon?

Sinong Bespren Mo Doon?

What is God’s Will?

What is God’s Will?
>