June 15, 2017
Nagising akong may tumutugtog sa isip ko. “Special Kind of Something” ni Kavana. Sikat na kanta yan nung 90’s, paborito ng ate ko. Pakinggan mo sa Spotify o kaya sa YouTube kapag nag-internet ka. Chineck ko sa internet, 1998 pala siya ni-release. Kung 1998, 14 years old ako nun.
Hindi ko alam kung bakit yun ang tumugtog sa dami-dami ng mga paborito kong kanta nung bata ako. Nandyan si Andrew E, “Humanap ka ng panget” (Wag na uy.. wa-wag na, wag na uy..) Nandyan rin si MC Hammer, “U Can’t Touch This” (jen jeren jen.. jen jen.. jen jen..) Tapos syempre, ‘di mawawala si Francis M., “Mga Kababayan Ko” Ang sarap i-rap nito! “Ang magkaaway ipagbati, gumitna ka at wag kumampi. Lahattayoymagkakapatidanumangmaliay ituwid!...” Break it down, yo!
Pero “Special Kind of Something” yung tumugtog. Habang naririnig ko siya, nanumbalik yung childhood memories ko. Saya!
Kailan lang, meron akong nabasa na libro, Essential Living ni Shelley Uram, MD. “MD,” kapag chineck mo sa Google, galing pala siya sa salitang Latin, Medicinae Doctor. Sa English, “Doctor of Medicine.” Pero kung ako tatanungin mo, ibig sabihin lang nun ay “Magaling na Doktor.” Psychiatrist. Doktor sa utak.
“Episodic Memory.” Ito daw yung memory base sa emosyon, panahon, at iba pang elemento na galing sa iba’t-ibang bahagi ng ating utak. At ito yung mga elemento na kayang pagsama-samahin ng utak para mabuo ulit yung actual na mga pangyayari sa nagdaang panahon.
Yun ang na-trigger nung kanta, yung episodic memories ko nung panahong sumikat siya at mga nagdaang panahon pa bago yun. Habang nakahiga ako nang gising sa sofa, ang una kong naalala ay yung pumupunta ako sa bakahan sa umaga pagkatapos ko mag-almusal para magpalipad ng saranggola.
Malapit lang yung bakahan sa bahay namin. Paglabas mo ng gate, lakad ka dun sa may eskinita. Derecho ka lang. Ilang steps lang yun, siguro mga 25 steps lang. Pagdating sa dulo, makikita mo yung tindahan ni Aling Cely, bilihan ko ng ice candy. Nakita mo na? Sige, lakad ka pa konti, mga 7 steps pa. Yan… Tapos, kaliwa ka. Medyo paakyat na yung daan dyan, tsaka malubak. Lakad ka ulit ng konti. Tanaw mo na yung half-court? Katapat yun ng malaking bahay. Ay, wala na siguro yung half-court. Basta, may mahabang pader dyan, pader nung malaking bahay. Tapos, may paliko sa kanan. Lupa pa yung kalsada dati dyan, pero baka sementado na ngayon. Lakad ka dyan. Hmmm... Naaamoy ko na yung sariwang tae ng baka. Malapit na tayo!
Tapos, makikita mo na yung mga nakaharang na barbed wire. Si Mang Ruben nagtayo nyan. Matapang yun! Laging may itak na nakatali sa bewang kaya maraming bata ang takot sa kanya. Pero wag ka mag-alala, takot rin ako sa kanya.
Dyan ka na sa barbed wire? Meron dyang lusutan sa gilid. Suot ka dyan… Yan! Yan na yung bakahan! Dyan ako nagpapalipad ng saranggola.

Naalala ko rin yung napanaginipan ko kagabi. May kausap raw akong mga batang estudyante habang nag-aabang ng jeep. Isang lalaki at isang babae. May sinabi sila sa akin na naalala ko hanggang pagkagising: “Indoctrination”
Lalim nun ah, mga batang ‘to!
“Use indoctrination in a sentence,” tinanong ko daw sila. ‘Di ko na maalala yung sinagot nila. Ngumiti sila sa akin pagkatapos ako kausapin. Pagkatapos, sumakay na sila ng jeep. Pagkatapos, nagising na ako.
Naalala ko rin, kahapon nakatambay ako sa tapat ng gate namin kasama si Scout, aso namin, golden retriever. May dalawang batang lumapit sa kanya. Medyo gusgusin. Aliw na aliw sila kay Scout. Daming tanong. Dami ring kwento. “Kami rin kuya, may aso rin kami! Malaki din yun,” sabi nung isa.
“Sino kayang mananalo sa kanila pag pinaglaban sila ni Hotdog?” sabi naman nung isa dun sa isa.
Mga batang ‘to! Gustong pag-awayin si Scout at si Hotdog.
“Tapos kuya, meron pa kaming isang aso, si Galis. Magalis yun, pero matalino!” sabi sa akin, with matching pagtaas-taas pa ng kilay.
“Marami na kaming naging aso eh...” ‘di pa pala tapos. Mahaba-habang kwentuhan ‘to!
Dami naming napagkwentuhan. Matatalinong bata. Partida, umabsent pa pala sila ng araw na yun. Maya-maya, dumating pa yung isa nilang tropa. Tapos may isa pang dumating. Apat na sila. Ayos! May bagong tambayan ang tropa. Tuloy ang bidahan. Sila ang bida.
Nalaman ko na Grade 4 na yung bagong dating. Tantsa ko magkakasing-edad lang sila. Naisip ko, paano ba yung buhay nung ako yung nasa edad nila?
Maya-maya pa, nagsimula nang pumatak ang ulan. “Uwi na kami ni Scout ha?” sabi ko dun sa Streetboys (hawig kasi ni Spencer yung pinaka-bumibida sa kanila).
“Ba-bye Scout,” kinakawayan nila kami nang nakangiti.
Araw-araw, tuwing hapon sa tapat ng gate namin, maraming dumaraan na estudyante pauwi galing school.
Alam kaya nung Streetboys at ng mga estudyante ang kahalagahan ng edukasyon sa buhay nila? Alam kaya nila ang kahulugan ng “Education”?
Education. Galing sa salitang educe, na ang ibig sabihin ay “to draw forth or bring out, as something potential or latent.”
“Bring out something potential or latent” daw. Ang katumbas nyan sa Tagalog: “May natatago ka palang talent… Wow ha!”
Nag-Google ulit ako para sa lyrics nung Special Kind of Something.
Eto yung last part ng chorus:
“I’ve got a special kind of something
That I just need to share...”
May kailangan akong i-share sa'yo.
Tungkol ito sa buhay nung panahong hindi pa uso ang Google, wala pang YouTube at Spotify, wala pang Facebook, Instagram, at Twitter.
Tungkol ito sa buhay nung anong meron sa panahon ng kabataan ko.
Tungkol ito sa buhay natin.
Tungkol ito sa buhay.
Ganito kami noon...

